Saan Daan Palabas?
Sa tuwing titingnan ko ang sarili ko, napupuno ako ng nakaraming kung. Para akong puno ako ng panghihinayang, poot, pagsisi, pagka-bahala, takot at higit sa lahat, kalungkutan. Para akong nagniningas na baga na unti-unting naabo. Kahit sa guni-guni di ko naisip na sa ganito mauuwi ang lahat. Punung-puno ako ng sigla noon at napakarami kong pangarap subalit isa-isa yung naglaho kasabay ng pakaupos ng paniniwala ko sa halaga ng buhay. Kung hindi lang sana ako maagang naulila sa ama, hindi ako mawawalan ng gabay, kaibigan, kakwentuhan, kakampi at tagapagtanggol. Kung pinahalagahan lang sana ng ina at mga kapatid ko ang mga pangarap ko, hindi sana nila ako inabandona. Marahil hindi nila ipinagkait sa akin ang material at emosyonal na suporta. Marahil din nakapagtapos ako ng pag-aaral at mayroon nang disenteng hanapbuhay sa ngayon. Kung hindi lang sana ako iniwan ng mga kaibigan ko sa ere meron sanang gagabay at susuporta sakin kahit papaano. Mayroon sana akong makakaramay bukod sa lapis, papel at PC. Kung hindi nila ako iniwan naramdaman ko pa siguro na may halaga pa ako. Marahil hindi ko pinagtangkaang tapusin ang sarli kong buhay. “There’s a light in the end of the tunnel.” Isa yan sa mga kasabihan na nagawa kong paniwalaan. Nang makasama ko ang taong minamahal ko parang nasilayan ko ang liwanang na tinutukoy nila at nang maramdaman kong mahal din niya ako, tuluyang nabuhay ang pag-asa ko at mga pangarap subalit panandalian lamang pala. Ang lahat pala ay isa lamang pagkakamali. Gusto lang pala niya akong pasayahin subalit hindi niya talaga ko minamahal. Muling nilamon ng dilim ang munting liwanag na nasilayan ko. Hangal ako para umasa pa ng higit sa kung ano ang itinakda para sakin. Marahil totoo ang presensiya ng kapalaran. Kung ito ang kapalaran ko, wala akong ibang masisi kundi ang sarili ko sa dahilan na hinayaan kong dito ako dalhin ng kapalarang yun. Dapat sana naging mas malakas ako. Dapat natuto akong lumaban mag-isa para sa sarili ko. Hindi ko dapat iniasa sa iba ang kaligayahan ko. Naging napakahina ko subalit magsisi man ako, huli na ang lahat. Nanghihina ako at hindi ko na kayang tumayo sa sarili ko. Kailangan ko ng tulong subalit manhid ang lahat para makaramdam, bulag para makakita at bingi para makarinig. Ang lahat ay alipin ng pagwawalang bahala at wala akong magagawa pa doon. Napakasama ko sapagkat sa totoo lang, meron pa ring mangilan-ngilang nagsasabing nandito lang sila para sakin. Handa raw silang makinig, dumamay, maging kaibigan. Hindi raw nila ako iiwan at minamahal daw nila ako. Alam ng isip ko na tapat sila sa mga salitang binitiwan nila subalit parang inagaw na ng kadiliman ang kakayahan ko para makaramdam ng anuman bukod sa pag-iisa. Sa kabila ng mga magaganda nilang salita, pakiramdam ko pa rin nag-iisa ako. Gusto kong humingi ng tawad sa kanila subalit wala naming positibong maidudulot ang ganoong pagkilos. Marahil ako mismo ang problema. Mismong ang pagkatao ko ang suliranin na matagal ko nang dinadala. Saan nga ba ang daan palabas dito? Nabubulag ako sa kadiliman, nabibingi sa katahimikan at namamanhid na ako sa sakit. Gusto ko nang magwakas to, sa kahit anong paraan. Paano ba ako makakatakas? Paano ba ako makakalaya? Hanggang sa oras na malaman ko ang sagot sa mga tanong kong ito mananatili ako sa kuwebang ito na sa tingin ko, ako mismo ang lumikha
Comments