Hantungan Ng Kasalukuyan
Ang lahat ng bagay ay may simula at wakas. Ang mga bulaklak, gaano man kahalimuyak ay malalanta rin. Ang mga nagtatayugang puno, di maglalaon ay mabubuwal sabay sa panahon. Maging ang mga tala na nag-aalab sa kalawakan ay sasapit rin sa sarili nitong wakas at ito ay hatid ng hindi mapigil na takbo ng oras.
Ang kasalukuyan ay ang kinabukasan ng nakaraan at nakaraan ng kinabukasan. Ang bawat bukas na ating inaabangan, sa isang kisap-mata ay mapapabilang na rin sa tinatawag nating mga araw na nakalipas. Ang bawat nagaganap sa ating buhay sa kasalukuyan, mabuti man o masama, malungkot man o masaya, ay magiging bahagi na lamang ng ating alaala sa oras na umusad ang panahon. Ang lahat ay magiging pawang alaala na lamang na marahil ay maaaring lingunin subalit kailanman ay din a maaaring balikan.
Ang nakaraan ng isang tao ay may malaking papel na ginagampanan sa kanyang buhay subalit hindi tiyak. Maaari itong maging lakas na siyang tutulak sa kanya pasulong tungo sa kanyang mga pangarap at mithiin para sa hinharap subalit maaari ring mahila siya nito pabalik lalo na kung ang nakaraang ito ay puno ng hinanakit, takot at kalungkutan. Ito ay parang isang bloke na maaaring magsilbing tuntungan o hadlang, nasa atin ang desisyong kung paano ito titingnan at makikita.
Tuluy-tuloy ang pag-ikot ng mundo at hindi ito hihinto para kanino man. Isa itong proseso na hindi mapipigilan at sa prosesong ito, darating ang ilang pagkakataon kung kailan kakailanganin nating isuko ang ilang bagay upang tuluyan nang maging bahagi ng ating nakaraan, gaano man ito kahalaga. Pamilya, kaibigan, minamahal, pag-ibig at maging mga parangap, ilan lamang ang mga ito sa maaaring kunin ng panahon mula sa ating kasalukuan at ihatid sa nakaraan.
Ang lahat ng bagay ay may simula at wakas. Ito ang prinsipyo ng panahon na hindi kailanman magbabago subalit katulad ng isang bukang liwayway na naghihintay tuwing gabi, isang bagong simula ang pangako ng bawat pagwawakas. Ang nakaraan ay hindi binabalikan, ito’y ipinagpapatuloy subalit kung sa anong landas, ang pagpapasiya ay nasa atin.
Ang sulating ito ay alay ko kay Lin. Sa muling pagsikat ng araw nawa’y mapawi na lahat ng bakas ng kadiliman na bumabalot sa ating mga puso at isipan. Hanggang sa paghilom ng mga sugat, pagkabuo muli ng tiwala, panunumbalik ng respeto at muling pagkabuhay ng matalik na pagkakaibigan, paalam.
Comments