Empty Station

Matagal kong hindi ginawa to. Kunyari busy ako sa trabaho tuwing gabi at busy naman sa pagtulog tuwing umaga. Kunyari din busy ako sa pagbabasa kaya di na ako masyadong nakakapagsulat, pero ngayon parang nagpupumiglas na yung ballpen ko. Nagsimula na naming mag-jamming yung mga demonyo na gumugulo sa utak ko at kailangan kong magsulat para patahimikin sila.

Sa tingin ko sapat na ang humigit kumulang 4 na buwan para maituring ko siyang kaibigan. Nakatutuwang isipin na may mga tao na madali mong makakagaanan ng loob kahit sa sandaling panahon lang pero ang masakit, madalas sila pa yung mga agad na napapalayo sayo. Hindi na ako uupo dun sa station kung saan kami nakapwesto noong huling 3 araw niya dito sa account namin. Lumipat na sila ng ibang program, nakakalungkot. Mabilis daw talaga ang pacing ng buhay sa call center, parang sa isang iglap lang pwedeng may malaking pagbabagong mangyari. Nagulat talaga ako sa balita na lilipat sa sila ng account, aaminin ko nalungkot talaga ako at nagdalawang isip kung magpapaiwan ba talaga ako o susunod sa kanila…pinili ko yung una. Ayaw ko nang umupo dun sa dati naming pwesto, sa tingin ko masasaktan lang ako kapag nakita ko yung bakanteng station sa tabi ko. 3 lang ang stations sa area na yun, sa kanan siya, ako sa gitna at yung natitirang isa hindi naman nagagamit. Kung doon pa ulit ako uupo wala na akong makakatabi o kung meron man siyempre iba na. Natawa ako noong ikinumpara niya yung table niya sa table ko, ang dami daw niyang abubot at makalat kumpara sakin na walang ibang nakapatong sa table kundi isang libro at isang tumbler. Sigurado simula sa Lunes malinis na yung area na yun, wala na yung mga abubot na sinasabi niya…at sigurado din ako na mamimiss ko yun.

Nakauwi na ba kayo?

Hindi pa, why?

Wala lang gusto ko lang sana magpaalam ng maayos…

No need, baka maiyak ka lang. Text text na lang, thanks for everything…

I hate this talaga, haay. Good luck sa new account…

Nakakalungkot sa sa bawat “hi” na bibitiwan natin parang laging may “good-bye” na naghihintay. Naisip ko, bakit kailangan pang makakilala ng mga taong magiing malapit sa ‘yo kung sa bandang huli mawawala din sila--mapapalayo. Bahagi na siguro talaga ng buhay ang pagdating at pag-alis ng mga tao. Siguro nga laging magkasama ang “hi” at “good-bye” at ang tanging magagawa lang natin ay gawing memorable yung mga oras sa pagitan ng pagdating ng dalawang salitang yun. Wala na siguro talaga tayong magagawa dun—kailangang tanggapin.

Comments

Popular posts from this blog

Hantungan Ng Kasalukuyan

All About Loving You

They Look So Happy Together