Bakit Ngayon Lang?

Kung babatiin ko siya ng Happy Fathers’ Day ay malamang tatanungin niya ako kung bakit ngayon lang. Yan ang nasa utak ko kaya naman sa tuwing haharap ako sa puntod niya ay hindi ko siya magawang batiin kahit sa isip lang. Pero bakit nga ba ngayon lang? Bakit hindi noong mga panahon na gumigising siya ng madaling araw para ihanda ang mga kakailanganin ko sa eskwela, noong mga panahon na halos makuba siya sa paghahanapbuhay maibigay lang ang mga pangangailangan ko, noong mga panahong iniligtas niya ako mula sa galit ni Nanay, noong mga panahong inaaliw niya ako sa mga kwento niya, noong panahon na nabubuhay pa siya?

Malalaman mo lang ang halaga ng isang tao sa oras na mawala siya sa’yo. Pinaniniwalaan yan ng marami subalit hindi ako. Alam ko ang halaga niya sa akin. Isang bagay lang ang hindi sumagi sa mura kong isipan noon at iyon ang katotohanan na kahit anong oras ay maari siyang agawin ng kamtayan. Hindi ko pala hawak ang pagkakataon.

Biglaan ang naging pagpanaw niya anim na taon na ang nakakaraan at sa loob ng nagdaang anim na taong iyon ay nabuhay ako sa lungkot at pangungulila. Hanggang ngayon ay marami pa rin akong pinagsisisihan at isa na doon ay ang mga pagkakataong sinayang ko noong kasama ko pa siya. Walang saysay na hilingin na maibalik ang oras sapagkat lumha man ako ng dugo ay hindi ko pa rin maibabalik ang buhay na kinitil na ng pagkakataon.

Ang ganitong kwento ng pagsisisi ay hindi na bago subalit bakit kaya mayroon pa ring mga anak na tila hindi pa rin makita sa kanilang kamalayan ang tunay na halaga ng kanilang mga magulang?

Bilang isang manunulat ay makailang ulit ko nang naibulalas ang aking mga hinanakit, kalungkutan, pagsisisi at pangungulila kaugnay sa pagpanaw ni Tatay. Ipinahayag ko ang mga ito sa pamamagitan ng aking mga tula at sanaysay subalit ang mga iyon ay hindi lamang upang magsilbing lagusan ang aking emosyon. Ayaw kong mauwi saw ala ang mga pagdurusa ko kaya naman sa akng munting paraan, gamit ang aking panulat, gusto kong imulat ang mga mata ng ilan na hanggang nayon ay bulag pa rin sa tunay na halaga ng mga taong sanhi ng ating eksistensiya-ang ating mga magulang. Maikli lang ang buhay, mas maikli pa sa inaakala natin.

Comments

Popular posts from this blog

Hantungan Ng Kasalukuyan

All About Loving You

They Look So Happy Together